Nakita ko na naman siya kanina,si Kuya sa may tulay sa Pasay. Pangatlong beses ko pa lang siyang nakikita pero di ko na mapigilan na mapatingin at mapatitig, sa malayo pa lang. Sa totoo lang nung unang beses ko pa lang siya nakita,di ko na malaman kung paano ang safe na paraan para tingnan siya. Safe in a way na walang makakakita sa akin na nakatitig sa kanya. Sa tingin ko araw-araw siyang nandoon. Nagkataon lang na tuwing Wednesday at Friday lang ako sumasakay ng dyip sa Pasay. Kapag TTh kasi late ang uwi ko at ayaw ko naman magpa-abot ng gabi dun,delikado.
Andun siya sa may footbridge sa tabi ng mrt. Naka-upo,nag-aabang,naka-angat ang mga kamay,namamalimos. Kung tutuusin wala namang nakakagulat doon. Normal na yata ang mga gaya niya sa buong Kamaynilaan. Nung minsan nga foreigner pa ang naabutan ko eh. “I wanna go home”,nakasulat sa cardboard na hawak nung Kano. Pero iba naman kasi itong si Kuya sa may tulay. Hindi siya foreigner,di maputi,at wala ding hawak na cardboard may Ingles na mensahe para sa lahat. Baso lang ang hawak ni Kuya. Pero ano talaga ang kapansin-pansin sa kanya? Wala siyang mukha.
Alam ko naman na may mga ganoong kaso sa mundo. May napanuod ako nung minsan sa TV, mama na nakuryente. Pero sa tulong naman ng mga concerned citizen,nakapag-paplastic surgery ata yung mama. Pero itong si Kuya sa tulay,mukhang hindi.
Iniisip ko,sino kaya kasama niya pumunta dito? May susundo kaya sa kanya mamaya pag-uwi? Kumain na kaya siya? Bakit wala man lang siyang dalang payong?Yung mga mama kaya sa tabi niya, kasamahan niya?Okay lang“` ba si Kuya?
Sa totoo lang,gusto ko talaga siya tingnan nang maigi,nang malapitan. Yun nga lang di ko ba alam kung bakit di ko magawa. Kahit tinuturuan ko yung sarili ko na wag maawa sa mga kagaya niya (nakakaawa na kasi sila as it is,ayaw ko na dumagdag pa) ,di ko ata kaya. Gusto ko siya lapitan at bigyan ng kaunting tulong, pero kasi kakaiba yung naramdaman ko. Tumingin siya bigla sa direksyon ko at kahit alam kong di posible, pakiramdam ko nakatingin siya sa akin. At infairness, lahat nang ito tumakbo sa isip ko sa loob ng sampung segundo.Posible ba yun? Siguro.
Sa mga susunod na araw,inaasahan ko na makikita ko pa rin siya. Andun sa isang sulok, naghihintay ng awa samantalang ang mga tao sa paligid niya, kasama na ako ay madaling madali sa paglalakad para umiwas sa matinding init ng araw,para makasakay na ng dyip at makauwi sa kani-kanilang bahay. Lahat ng ito gagawin nila (o namin) nang di man lamang nagbibigay ng kahit isang sulya kay Kuya sa may tulay.
No comments:
Post a Comment